Hinangaan ang isang dating lady guard sa Bayambang, Pangasinan dahil sa kaniyang pagsagip at pag-aalaga sa mga pusa na nakikita niya sa daan.
Sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang dating lady guard na si Aidilyn Pagdilao.
Ayon sa kaniya, nagsimula ang pag-aalaga niya sa mga pusa nang mag-uwi siya ng isang kuting na napulot niya sa daan.
May mga pagkakataon ding may sinagip siyang pusa at dinala sa beterinaryo matapos masagasaan, kahit na kapos siya sa pera.
Sa mga sumunod na araw, nakakita muli si Pagdilao ng mga pusa na nakakalat sa daan at iniuuwi niya ang mga ito.
Umabot na sa 40 ang inampon niyang mga pusa.
Sa ngayon, hindi muna nag-aampon si Pagdilao dahil sagad na sila sa gastusin matapos siyang mawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.
Katuwang ni Pagdilao ang kaniyang asawang driver para masustentuhan ang mga pagkain at gamot ng kanilang mga alagang pusa. — Jamil Santos/VBL, GMA News
