Isang grupo ng mga residente na may buhat-buhat na kabaong ang muntik nang matabunan ng lupa dahil sa landslide sa gitna ng masamang panahon sa Davao City.
Sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng isang residente na pababa na sila ng bundok at nakatakdang ihatid ang labi na ibuburol sa Sitio Kidali sa Barangay Tambobong.
Gayunman, nagulat sila nang bigla na lamang gumuho ang isang bahagi ng bundok at tuluyang hinarangan ang daan.
Wala namang napabalitang nasaktan. Aaksyunan naman daw ng Davao City Engineer's Office ang insidente.
Naitala rin ang pagguho ng lupa sa isang highway sa Barangay Bacdulong sa Lake Sebu, South Cotabato, dahil sa paglambot ng lupa doon dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Inabot ang mga awtoridad ng halos dalawang oras para alisin ang mga nakaharang na lupa sa kalsada bago muling nakadaan ang mga motorista.
Wala ring napaulat na nasaktan sa insidente. —Jamil Santos/KBK, GMA News
