Hindi na nakapagdiwang ng kaniyang kaarawan ngayong araw ang isang babae matapos na matagpuan siyang patay sa hukay ng isang construction site sa Imus, Cavite.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ng ama ng batang 10-taong-gulang na nagpaalam noong Lunes ang kaniyang anak na magsu-swimming.

Pero nang hindi pa ito nakauuwi pagsapit ng hapon, hinanap na nila ito. Inabot ng ilang araw bago nila natagpuan ang bangkay ng bata sa construction site.

Inirereklamo ng mga magulang ng bata na wala umanong harang o warning sign sa naturang construction site na may malalim na hukay.

Nakikipag-ugnayan na raw sa kanila ang kompanya at nagbigay na rin ng paunang tulong.--FRJ, GMA News