Hindi naging hadlang ang rehas na bakal para pakasalan ng isang nakadetine sa police station sa Pampanga ang kaniyang kasintahan na mangingibang-bansa para magtrabaho.
Sa ulat ni Trace de Leon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing isang taon nang nakadetine ang lalaki sa Sto. Tomas Police Station dahil sa kinasangkutan nitong kaso.
Ayon kay Police Captain Glenn Santelices, hepe ng police station, nakiusap ang lalaki kung maaari siyang magpakasal kahit nakadetine.
"Una nag-alangan kaming payagan pero willing talaga siya na magpakasal sa asawa," sabi ng opisyal.
Sa tulong ng isang pastor, naisagawa ang simpleng seremonya ng kasal nang wala umanong nalalabag na batas.
Inihayag din ni Santelices, na magtatrabaho sa ibang bansa ang babae at isa sa mga hiling nito na maikasal sa kaniyang groom bago siya umalis.
Hindi na nagpaunlak ng panayam ang bagong kasal pero inihayag ng pulisya ang kanilang kasiyahan sa nangyaring pag-iisang dibdib ng dalawa kahit pa may rehas na bakal na nakapagitan sa kanila.
"Pinatunayan lang po namin na bagaman sila man po ay nakapiit may mga rights naman po sila na puwede namang pagbigyan po," ayon kay Santelices.
--FRJ, GMA News