Patay na at tadtad ng saksak nang makita sa inuupahang bahay sa Cainta, Rizal ang isang 23-anyos na ginang, pati na ang menor de edad niyang anak na babae at pamangking lalaki.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na ang inang si Angelica Manaloto; anak niyang Nica Jen, 6-anyos; at pamangkin na si Rex, 7.

Ang bibisitang kapatid ni Angelica na si Erickson ang nakakita sa bangkay ng mga biktima sa inuupahan nilang apartment noong Abril 6.

“Dun na po humarap sa paningin ko yung pamangkin ko na nakahandusay sa CR. Sa sobrang gulat ko po tinginan ko po kung may buhay pa. Tiningnan ko po sa kuwarto, wala na ring buhay yung kapatid ko tapos yung anak nya na babae,” paglalahad ni Erickson.

ADVERTISEMENT

“Sa sobrang taranta ko po humingi na po ako ng tulong sa labas,” patuloy niya.

Ilang gamit umano sa bahay ang nawawala kabilang ang mobile phone ni Angelica, tablet, at pera.

Pero hinihinala ng pamilya na may iba pang motibo sa nangyaring karumal-dumal na krimen.

“Hindi namin alam bakit magagawa ng isang tao ang ganoon sa pamilya ko. Hindi ko po alam kung anong kasalanan namin para gawin niya yun sa anak ko at mga apo ko. 'Di ko po maisip na kada pipikit ako, sa isip ko buhay sila at  bangungot lang talaga ito,” ayon kay Cecilia Manaloto, ina ni Angelica.

Mayroon na umanong person of interest ang pulisya sa nangyaring krimen batay sa pahayag ng mga saksi at nakuhang CCTV footage. Pero tumanggi na muna silang tukuyin kung sino ito habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Hiniling naman ng pamilya Manaloto na sumuko na ang salarin.

“Hiling lang namin ay sumuko ka at ikwento sa amin kung paano mo ginawa ang karumal-dumal na sinapit ng aking ng mga kamag-anak,” panawagan ni Erickson.

Napag-alaman din na isang overseas Filipino worker (OFW) at nasa Saudi Arabia ang ina ng biktimang si Rex.

Hindi pa raw ito makauwi dahil hindi pa nabibigyan ng exit visa.--FRJ, GMA News