Huli sa entrapment operation ang dalawang lalaki na ginamit umano sa modus ng panloloko ang campaign rally ng politiko. Ang taktika nila, aalukin ang maliliit na negosyante na sila ang magsusuplay ng pagkain at inumin sa proclamation rally at saka hihingi ng pera sa biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga naarestong suspek na si Jovencio Amolong Jr. at Alvin Losloso.

Nadakip ang dalawa sa inilatag na entrapment operation ng mga operatiba ng PNP-CIDG ng lalawigan ng Quezon.

Ayon sa biktimang itinatago sa pangalang si "Lotlot," kinausap siya ng mga suspek na siya ang magsusuplay ng pagkain at inumin sa proclamation rally ng kandidato.

Hindi raw niya inakala na mga mangloloko ito dahil maayos umanong makipag-usap at isinama pa siya sa miting de avance ng isang sinasabing mayor.

ADVERTISEMENT

"Talagang nakita ko siya ang nagsasalita doon. [Sabi ng suspek] magandang kitaan ito dahil kukunin natin ang tubig P5 lang, babayaran ng pulitiko 'yan P11. Hati tayo sa kita,'" ayon kay Lotlot.

Kinuha raw ng mga suspek ang advance ng kanilang kikitain sa usapan at humingi pa raw ng pampadulas para makasingil kaagad.

Pero nang maibigay na ng biktima ang nasa P300,000 na pera na kaniya pa raw ipinangutang, naglaho na ang mga suspek.

Bukod kay Lotlot, nasa P300,000 din umano ang nakuha ng mga suspek sa isa pang negosyante na itinago sa pangalang "Gretchen."

Nangangamba sila na baka hindi na ibalik ang kanilang pera na kailangan nila para makapaghanapbuhay.

Ayon kay Colonel Ariel Huesca, Provincial Officer, CIDG-Quezon, nilinaw na umano ng alkalde na hindi konektado sa kanila ang mga suspek.

Lumitaw na nagsilbing campaign hosts ang mga ito at ginamit ang naturang pagkakataon para makapangloko.

Naniniwala rin ang CIDG na posibleng may iba pang nabiktima ang mga suspek.

Kaya payo ng pulisya sa publiko, laging mag-iingat at kilalanin munang mabuti ang mga katransaksyon.--FRJ, GMA News