Dalawang bangkay ng babae na edad 18 at 19 ang nakitang lumulutang sa Agno River sa bahagi ng San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Clair Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang dalawa na sina Abegail Rachelle Peralta, 19-anyos, residente ng Barangay Nagsaing sa bayan ng Calasiao, at Analyn Cosme, 18-anyos, residente ng Barangay Libas, San Carlos City.

Nakitang lumulutang ang kanilang bangkay sa bahagi ng Agno sa Barangay Guelew sa San Carlos City.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung nalunod ang mga biktima o kung may foul play sa kanilang pagkamatay.

Ayon kay Police Major Ria Tacderan, Acting PIO, Pangasinan PPO, hinihintay pa nila ang resulta ng post mortem examination sa mga labi ng dalawang babae.

"Hinihintay natin yung post mortem examination kasi mula naman doon sa ika-conduct nila na post mortem ay malalaman natin doon kung ang sanhi nga ba ng pagkamatay ay dahil sa pagkalunod or makikita doon kung patay na ba sila bago pa itinapon," ayon kay Tacderan.-- FRJ, GMA News