Isang ama ang nasawi matapos siyang pagtatagain ng kaniyang anak sa Batangas City. Ayon sa pulisya, lasing at nagwala umano ang suspek nang gawin ang krimen pero iba ang naging pahayag nito.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Efren Comia.

Kaagad siyang nasawi matapos pagtatagain ng kaniyang anak na si Zoren, 30-anyos.

Kusa umanong sumuko sa isang barangay tanod si Zoren matapos gawin ang krimen at dinala na siya sa pulisya.

Sinabi ni Police Lieutenant Diosdado Pasion, OIC, PCR, Batangas City Police Station, lumilitaw sa kanilang imbestigasyon na lasing umano si Zoren nang mangyari ang krimen.

"Ayon sa imbestigasyon namin, tuwing nalalasing itong suspek na si Zoren Comia, ganun ang kaniyang ginagawa. Kaya nung araw na 'yon, yung tatay niya ang kaniyang napagdiskitahan at ayun, pinag i-itak niya ang iba't ibang parte ng katawan," anang opisyal.

Inamin naman ng suspek ang nagawang krimen  pero sinabi niya na ang tatay niya ang nagwawala tuwing nalalasing.

Ilan taon na raw nilang tiniis ang ginagawa kaniyang ng ama.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga suspek at biktima.--FRJ, GMA News