Nasawi ang isang babae matapos na bugbugin umano ng kaniyang ka-live in sa Angeles City, Pampanga. Nagalit umano ang suspek nang tumanggi ang biktima na makipagtalik dahil nagpapadede ng kanilang anak.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang suspek na si Jeffrey David.

Ayon kay Police Colonel Diosdado Fabian, Angeles City Police Director, walang tirahan ang 33-anyos na biktima at ang suspek, at sa bangketa lang natutulog.

"Parang nakainom yung lalaki tapos nag-aayang makipagtalik. Ang babae, umayaw dahil nagpapadede ng anak at saka may menstrual period yata siya," sabi ni Fabian.

Nagalit umano ang lalaki kaya pinagsusuntok at  pinag-uundog ang ulo biktima hanggang sa mawalan ng malay.

Sinubukan umano ng ibang taong-kalye na awatin ang lalaki pero nagpatuloy pa rin ito sa ginawang pananakit sa biktima.

Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay. Naaresto naman ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag.

Ibinigay na sa pangangalaga ng kanilang kaanak ang mga anak ng dalawa.--FRJ, GMA News