Nahuli-cam ang panghoholdap ng dalawang lalaki sa isang 18-anyos na estudyanteng babae sa Pasig City. Ilang araw matapos ang insidente, naaresto ang isa sa mga suspek na sabit naman sa ilegal na droga.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing hinoldap ng dalawang lalaki ang biktima sa loob ng isang subdibisyon sa Barangay Pinagbuhatan noong Martes ng gabi.
Pilit na kinuha ng mga suspek ang cellphone ng babae na nagkakahalaga ng P27,000. Nang makuha ang cellphone, agad na tumakas ang dalawa.
Nagsumbong sa barangay ang biktima at nakilala ang isa sa mga suspek na 21-anyos, na residente rin sa barangay.
Ayon kay Kagawad Arcie Lucas, pamilyar sa kanila ang isang suspek dahil lagi umanong itong nasasangkot sa gulo.
Nitong Sabado, naaktuhan ng mga nagrorondang pulis ang suspek na nagbebenta umano ng ilegal na droga kaya inaresto.
Nakuha sa kaniya ang pera at isang sachet na may laman na hinihinalang shabu.
Tinatarget naman umano ng mga suspek sa panghoholdap ang mga estudyante na hindi kayang lumaban sa kanila.
Bukod sa dinaranas na trauma, hirap din sa pag-aaral ngayon ang biktima dahil ginagamit niya sa pag-aaral ang nakuha sa kaniyang cellphone lalo na ngayon na madalas ang online class dahil sa masamang panahon.
“Traumatic siya sa akin. Hirap na akong lumabas, hirap akong matulog. Palagi akong nag-iisip. Naapektuhan talaga ako nito lalo na sa academics ko,” anang biktima na desidido sampahan ng reklamo ang ang mga suspek.—FRJ GMA News
