Patay ang isang dating kapitan ng barangay sa Biliran, Biliran matapos barilin ng dalawang salarin habang nasa burol ng kaniyang asawa.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, kinilala ang biktima na si Crispin Sumayan, dating chairman ng Barangay Julita sa Biliran.

Ayon sa mga awtoridad, nasa burol ng kaniyang asawa ang biktima noong Biyernes nang pagbabarilin siya ng dalawang salarin na tumakas sakay ng motorsiklo.

Nakuhanan pa ng CCTV camera ang mga salarin habang sakay ng motorsiklo nang tumakas.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.

Nag-alok naman ang dating gobernador ng Biliran na si Roger Espina ng P500,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga salarin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen. —FRJ, GMA News