Patay ang isang albularyo na 61-anyos matapos siyang pagtatagain ng kaniyang sariling anak sa Rapu-Rapu, Albay. Ang suspek, napikon daw sa amang biktima na hinahanap ang librong gamit ginagamit sa panggagamot.

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng mag-ama sa Barangay Villa Hermosa.

Ayon sa pulisya, hinahanap ng biktima ang Latin book na ginagamit nito sa panggagamot. Hinala niya, ang kaniyang anak ang nakialam sa libro kaya niya pinagalitan.

Pero napikon ang anak kaya pinagtataga nito ang ama na nagtamo ng mga sugat sa leeg at braso na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

"Based doon sa pag-interview namin, nagative na lumalabas na may alitan sila.

Doon lang talaga nag- ugat sa hinahanap ng ama na Latin book na iyon kung bakit humantong sa insidenteng ganito ang nangyari," ani PSMS Joel Buen, investigator-on-case, Rapu-rapu MPS.

Nahaharap sa kaukulang kaso ang anak.--FRJ, GMA News