Patay na nang matagpuan ang isang 15-anyos na babae na unang iniulat na nawawala. Ang bangkay ng biktima, may mga paso sa braso at marka ng sakal nang makita sa madamong bahagi sa gilid ng isang kalsada sa Bustos, Bulacan.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing natagpuan ang bangkay ng babae noong Biyernes ng umaga. Pero natukoy lang ang kaniyang pagkakakilanlan nitong Linggo na si Princess Marie Dumantay.

Ayon sa Bustos police, itinapon lang ang bangkay ng biktima kung saan siya natagpuan.

Hinala ni Paulo Dumantay, kilala ng kaniyang kapatid na si Princess ang nasa likod ng krimen.

"Sa chat po ni Princess sa kaibigan niya na sinend [send] mo po sa amin na mayroon daw pong tao na pinangakuan siya na bibilan siya ng dalawang bike. Mayroon daw pong nagsusundo kay Princes," sabi ni Paulo.

Hustisya ang hiling ni Mang Roland sa sinapit ng kaniyang anak na si Princess.

"Hindi po tao ang gumawa n'un. Hayop po ang gumawa n'un. Sana po mabigyan ng katarungan 'yung anak ko," ayon sa ama ng biktima. —FRJ, GMA News