Sugatan ang isang pulis matapos siyang saksakin ng kapuwa niya pulis sa loob ng Camp Crame sa Quezon City noong Martes ng umaga, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Batay sa ulat ng CIDG, kinilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Eric Castro, habang suspek naman si Police Senior Master Sergeant Michael Camillo.
Naganap ang insidente dakong 7:30 am sa kusina ng Anti-Organized Crime Unit (AOCU) habang naghahanda ang mga pulis para sa preliminary investigation sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa mga saksi, nag-aalmusal ang mga ito nang pumasok sa kusina ang restricted AOCU personnel na si Castro, at sinundan ni Camillo makalipas ang ilang sandali.
Parehong nasa restricted custody ang dalawang pulis dahil sa nahaharap sila asunto bunga ng pagkakasangkot sa kaso ng pagnanakaw ng ebidensiya kaugnay sa POGO raid sa Bataan noong 2024 at haharap sana sila sa piskalya.
Bumunot umano si Camillo ng isang kutsilyo, na dahilan para lapitan siya ni Castro at niyakap para pigilan ang suspek.
Ngunit sa gitna ng agawan sa patalim, nagawa ni Camillo na saksakin si Castro sa likod.
Isinugod si Castro sa Philippine National Police General Hospital at nananatiling inoobserbahan dahil sa pagkawala ng dugo. Isasailalim din siya sa X-ray examination.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw umano na dakong 5:30 am ay may nakapansin na sa biglang pagbabago sa ugali ni Camillo.
Inaresto si Camillo at isasailalim sa administrative at criminal investigations.
Ayon sa mga opisyal ng pulisya, nakikipag-ugnayan na sila sa Prosecutor’s Office para sa pagsasampa ng nararapat na mga kaso.
Isasailalim din ang suspek sa medical and psychological evaluation. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

