Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkoles na pinaniniwalaang nasa Davao si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng mga ulat ng umano’y warrant of arrest laban sa mambabatas mula sa International Criminal Court (ICC). 

Gayunman, nilinaw ni Remulla na hindi pa maaaring kumilos ang DILG hangga’t hindi pa ito nakatatanggap ng pormal na kopya ng utos umano mula sa ICC.

“Ang alam ko, kasi magkapitbahay kami dito sa Cavite, pero hindi na siya nauwi dito. Alam ko nasa Davao kasama ang kaniyang pamilya,” sabi ni Remulla sa panayam sa Unang Balita ng GMA Integrated News.

“Wala kaming magagawang aksiyon diyan hanggang may actual warrant of arrest. Wala pa naman. Wala pa akong nakikita. Haka-haka lang,” dagdag niya.

Hindi pa rin nagpapakita sa publiko si dela Rosa, at hindi pa dumadalo sa mga pagdinig at sesyon ng Senado, matapos sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kapatid ni Jonvic, na naglabas umano ng arrest warrant ang ICC laban kay dela Rosa. Sinabi rin ng Ombudsman na mayroon siyang hindi opisyal na kopya ng warrant.

Si dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong ipatupad ang giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nauna nang sinabi ng dating senador na si Antonio Trillanes IV na itinuturing bilang mga suspek sina dela Rosa at apat na iba pang dating matataas na opisyal sa hanay ng pulisya sa gitna ng imbestigasyon ng ICC sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong krimen laban sa sangkatauhan.

Si Trillanes ay isa sa mga personalidad na nagsampa ng kaso laban kay Duterte sa ICC.

Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni dela Rosa, na walang legal na basehan ang gobyerno para isuko ang sinumang mamamayan nito sa isang internasyonal na tribunal dahil sa kawalan ng mga patakaran na namamahala sa proseso. —KG GMA Integrated News