Tatlumpung katao ang sugatan sa pagkahulog ng isang pampasaherong bus sa isang bangin sa Manolo Fortich, Bukidnon nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat sa Unang Balita nitong Martes ni Cyril Chaves, host ng At Home with GMA Regional TV mula sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao, humingi ng tulong ang pasaherong si John Michael Ganzan sa pamamagitan ng Facebook Live matapos maipit sa loob ng bus sa Sitio Mangima.

Aniya, mabagal lang ang takbo ng bus dahil sa matinding buhos ng ulan.

Ayon sa pulisya, aabot sa 30 metro ang lalim ng bangin na pinagbagsakan ng bus.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at dinala sa ospital ang mga pasahero.

Wala namang nasawi sa insidente at nakauwi na sa kani-kanilang mga lugar ang mga biktima.

Samantala, nagkasundo na ang mga pasahero at ang management ng bus. —Alzel Laguardia/KG, GMA News