Sinunog na buhay ang 75-anyos na lola ng kanyang anak ang mga apo sa Balingasag, Misamis Oriental.

Batay sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkules na sinabi umano ng pulisya na tinulak ang biktima ng kanyang anak at mga apo sa apoy.

Hindi na umano umabot na buhay sa ospital ang lola.

Naaresto na ng mga pulis ang pito sa 11 na suspek at ayon umano sa mga pulis, miyembro ng Philippine Benevolent Christian Missionary (PBCM) ang mga salarin.

Kinondena ng PBCM ang ginawa ng mga suspek at tumulong din ang organisasyon sa pagpapasuko ng mga ito.

Giit ng organisasyon na hindi kasama sa kanilang itinuturo ang pumatay.

Depensa ng isa sa mga suspek, sumunod lamang umano siya sa utos.

Wala pang pahayag ang iba pa niyang kasama.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong parricide. —LBG, GMA News