Hindi na nakapalag sa mga awtoridad ang isang lalaking sangkot umano sa pangangalakal ng karne ng aso.

Iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes na sa pagtutulungan ng mga pulis at Animal Kingdom Foundation (AKF), nadakip ang suspek na sangkot sa dog meat trade sa Barangay Sta. Catalina sa San Ildefonso, Bulacan.

Nakumpiska mula sa suspek ang 11 mga aso na nakasilid sa sako, nakatali ang mga bibig, at halos hindi makahinga. 

Tuluyan namang namatay ang apat sa mga aso, ayon sa ulat.

Dinala sa rehabilitation and rescue center ng AKF sa Capas, Tarlac ang mga nailigtas na aso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act and suspek na hindi pa nagbigay ng pahayag. —LBG, GMA News