Dead on the spot ang dalawang sakay ng isang kotse, kabilang ang driver, at tatlo naman ang sugatan matapos ang pamamaril sa Antipolo City, Rizal nitong Linggo ng gabi.

May isa pang bangkay na nakita malapit sa crime scene, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Blangko pa ang mga awtoridad sa kung sino ang nasa likod ng krimen na naganap pasado alas-nuwebe ng gabi.

Ayon sa saksi na si George Aquino na may tindahan sa lugar, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril.

Bigla raw humarurot ang kotse ang nahulog ito sa bangin.

Lima ang sakay ng nasabing kotse — dalawa ang dead on the spot at tatlo ang sugatan.

Duguan, buhay, at humihingi raw ng tulong ang tatlong sakay nang puntahan ni Aquino.

Sinabi raw niya sa mga ito na tumawag na sila ng pulis.

Dinala na sa ospital ang mga sugatan. May isang may gunshot wound sa ulo, isang may daplis sa dibdib, at nagtamo rin sila ng sugat dahil sa gumulong-gulong ang kotse nang mahulog ito sa bangin.

Stable na raw ang kanilang kalagayan.

Samantala, sa gilid ng highway hindi kalayuan sa bangin ay nakita ang bangkay ng isang lalaki. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang kanilang motibo sa krimen. —KG, GMA News