Patuloy na hinahanap at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek na dumukot umano sa isang 26-anyos na basketball player sa Magalang, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing Oktubre 6 nang magpaalam sa pamilya ang biktimang si Arlan Laxamana na aalis upang ipaayos ang motorsiklo.

Pero mula noon, hindi na nakauwi ang biktima.

Ayon sa ilang saksi, dinukot ng ilang kalalakihan na sakay ng kotse si Laxamana habang nag-aayos ng motorsiklo.

Kuwento ni Mary Grace Dural, kinakasama ng Laxamana, batay sa natanggap niyang impormasyon ay dalawang kotse ang sinasakyan ng mga taong kumuha sa biktima.

Nakuhanan sa CCTV camera ang plaka ng isa sa dalawang sasakyan. Nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa LTO para malaman kung kanino ang sasakyan.

Palaisipan naman sa mga kaanak kung bakit dinukot ang biktima. Wala raw alam si Dural na banta sa buhay ni Laxamana.

Umiiyak na umapela ang ina ni Laxamana na si Myra na ibalik na sa kanila nang buhay ang kaniyang anak.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad para malaman kung sino ang kumuha at nasaan ang biktima.--FRJ, GMA News