Itinuturing suwerte ang isang bagong silang na sanggol sa Dagupan City, Pangasinan dahil mayroon na kaagad siyang dalawang ngipin kahit napaaga ang kaniyang paglabas.
Sa ulat ni Russel Semorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon, ipinagdarasal daw ng inang si Rowena Biason, mula sa Barang Bonuan Boquig na masundan na ang pitong-taong-gulang niyang anak.
Natupad naman ang kaniyang hiling nito lang Oktubre 5 nang isilang ang bunsong anak na si Danica Biazon.
Pero laking gulat ni Rowena nang makita niyang may dalawang ngipin na agad si Danica.
“Nabigla ako kasi ngayon lang ako naka-encounter na baby kakapanganak may ngipin na at mismong sa akin pa nanggaling,” aniya.
Himala kung ituring nila na malusog ang premature baby na si Danica dahil napaaga ng isang buwan ang panganganak ni Rowena.
“Parang nabigla ako parang maraming nagsasabi po na himala at suwerte… kapag daw naalis ang ngipin itatago raw po namin. Kaya sinasabi ko, ‘oh talaga totoo ba ang sinasabi niyo?’” sabi ng ina ni Rowena na si Virginia Manaois.
Ayon sa isang ob-gyne na si Dra. Orpha Calimlim Estrada, natal teeth ang tawag sa ngipin ng bagong silang ng sanggol.
Sinabi rin ni Estrada na isa raw itong rare condition na nabubuo habang nasa sinapupunan pa lamang ng ina ang sanggol.
Dagdag pa ng doktor, nagkakaroon ng ngipin ang sanggol sa ikaapat hanggang ikapitong buwan makaraang isilang. Kaya delikado din umano ang pagkakaroon ng natal teeth ng isang sanggol at kailangan tanggalin.
“Iyong baby, mahihirapan din kasi sa dila niya nasasaktan siya, nagkakaroon din ng pain tapos ‘pag hindi natin tinanggal ‘yan, kunwari, umuuga-uga, what if malunok ng bata kasi hindi masabi kasi unstable. Hindi matibay ang kanyang root structure,” paliwanag ni Estrda.
Samantala, sinabi naman ng mga eksperto isa sa 2,000 hanggang 3,000 na bagong panganak na sanggol ang may natal teeth.
“Ayon sa mga pag-aaral, itong natal teeth ay isang uncommon condition ng isang kapapanganak pa lamang na bata. Kailangan obserbahan ang paglaki ng bata para ma-ensure na lalaki siyang healthy,” sambit ni Dr. Rheul Bobis, tagapagsalita ng CHD Ilocos Region.
Noong nakaraang buwan, isang bagong silang na sanggol din ang iniluwal na mayroong ngipin sa Panabo City, Davao del Norte.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News
