Patay ang isang lalaki sa Misamis Oriental matapos kumasa at manalo sa "laklak challenge" o pabilisan ng pag-inom ng alak, ayon sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Posible raw na severe intoxication o sobrang alak sa katawan ang ikinamatay ng lalaki. Inabot lang daw kasi siya ng 20 segundo para ubusin ang isang long-neck na alak.
Dahil sa bilis uminom, iuuwi sana ng lalaki ang P20,000 na premyo.
"Natapos niya ang challenge at siya ang nanalo ng P20,000 pero pagkatapos nito ay bigla siyang natumba kaya agad siyang isinugod sa ospital," kuwento ni Police Major Joann Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office 10.
Wala pang inilalabas na opisyal na resulta tungkol sa pagkamatay ng lalaki, pero ayon sa isang toxicologist, posibleng naapektuhan ang central nervous system ng lalaki dahil sa sobrang alak na nainom nito.
"Baka impaired na ang kaniyang neurotransmission sa paghinga. Ganyan ka-severe kasi kasama sa pag-control sa paghinga ang central nervous system na naapektuhan dahil sa severe intoxication," paliwanag ni Rutchell Semene, isang eksperto.
Paalala ni Semene sa publiko, maghinay-hinay sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin dahil posible itong makasira sa atay, baga at puso kung masosobrahan. —KBK, GMA News
