Patay ang isang 18-anyos na nursing student sa Lapu-Lapu City, Cebu matapos siyang barilin ng lalaking nanloob sa kanilang bahay nitong Sabado.

Nakilala ang biktima na si Johanna Xyrra Selim, ayon sa ulat ni GMA Regional TV Live host Nikko Sereno sa Unang Balita nitong Martes, base sa impormasyong naiulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Kuwento ni May Cielo Selim, ina ng biktima, isang lalaki ang nanloob sa kanilang bahay. Hinalughog umano nito ang kanilang mga gamit. Tumakas ito ngunit hinabol siya ng kanyang anak na si Joshua Selim.

"Ito siya ang humabol. Nahawakan niya dito sa likuran ang kawatan, nahila niya, ganyan. Nang naganyan, hinarap siya at sabi, 'Sige' tinutukan kaagad siya," ani May Cielo.

Nagtago raw sa madilim na bahagi ng kanilang lugar ang suspek.

Nagising ang biktima dahil sa komosyon at lumabas din siya upang habulin ang suspek.

Hawak ang kanyang cellphone na naka-on ang flashlight, napunta ang biktima sa lugar kung saan nagtatago ang suspek, at dito na siya binaril.

"Nagganyan ng flashlight. Pagganyan ko, biglang lumabas 'yung kawatan. Tapos hinablot ang kaniyang (biktima) cellphone, tapos may putok. Pero hindi ko alam na kapatid ko na pala 'yon kasi masyadong madilim," kuwento ni Joshua.

Arestado ang suspek na nakilalang si Rodel Cuizon, 42-anyos. Dati na raw siyang nakulong dahil sa ilegal na droga at nitong Hunyo lang nakalaya.

Hindi raw niya intensiyon na patayin ang biktima.

"Nakonsiyensiya ako masyado kasi hindi ko naman gustong pumatay ng tao," aniya. —KG, GMA News