Arestado sa entrapment operation ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na babaeng estudyante sa Batangas dahil sa umano'y pagbubugaw nito sa mga kaibigang kapuwa estudyante rin. Ang target nilang mga parokyano, mga turistang dayuhan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation-CALABARZON, ang nagsagawa ng operasyon laban sa suspek na si Darrah Mae Gray, isang senior high school student.

Gumagamit umano ng suspek ang dalawang dummy account sa Facebook at doon inilalagay ang mga larawan ng kaniyang mga ibinubugaw na ang target na parokyano ay mga turistang dayuhan sa Batangas.

“Yung target talaga nila dito na kliyente is foreigner. So kaya nga yung venue, meron na silang venue na resort na malapit din, na ginagamit na magbakasyon o mag-swimming doon. Para aside from beach ay meron ding sexual exploitation,” ayon kay NBI-CALABARZON Regional Director Ard Glen Ricarte.

“Kailangan ko po ng pera kasi po nag-aaral po ako. Senior high na po kasi ako, ako lang po nagpapaaral sa sarili ko,” paliwanag ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act in relation to the Cybercrime Detention Act.

“Aside from Covid-19, possible rin ang mga sexual transmitted disease. Ang isa pang nakakatakot diyan, is yung possibility na baka mabuntis itong mga estudayanteng ito matigil ang kanilang pagaaral,” sabi naman ni NBI Spokesperson Atty. Gisele Garcia-Dumlao.

Samantala, 12 kababaihan, kabilang ang isang menor de edad, ang nasagip at nasa ilalim na ng pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News