Natagpuang wala nang buhay at may mga sugat sa ulo ang isang babae sa Cagayan de Oro City. Ang mga kapitbahay, naniniwalang aswang ang salarin.

Sa ulat ng “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing inilahad ng imbestigador ng kaso na may namataang sugat sa tainga at butas ang likod ng ulo ni "Anne," hindi niya tunay na pangalan.

Natuklasan ding may brain tumor at epilepsy ang babae kaya madalas siyang matumba at tumatama ang kaniyang ulo.

Minsan na ring nahulog sa kanal ang babae.

Gayunman, naniniwala ang mga kapitbahay na aswang ang pumatay kay Anne, dahil walang nakitang dugo sa bahay.

Hindi naman tiyak ang lola ng biktima kung aswang ang pumatay sa kaniyang apo.

Sinabi naman ng pulisya na wala silang namataang murder weapon sa lugar.

Isasailalim sa awtopsiya ang biktima para matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. — Jamil Santos/VBL, GMA News