Naiuwi na nitong weekend sa kanyang bayan sa Leyte ang mga labi ng itinuturong middleman sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
May mga pulis na ipinadala sa bahay ni Cristito Villamor Palaña (unang kinilala bilang Jun Villamor) para sa seguridad ng pamilya, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, base sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.
Umapela ng hustisya ang ama ni Palaña sa pagkamatay ng kanyang anak.
Nakapiit noon sa New Bilibid Prison (NBP) si Cristito nang siya ay itinuro ni Joel Escorial bilang isa sa dalawang middleman sa pagpatay kay Lapid. Sumuko sa mga awtoridad si Escorial at sinabing siya ang gunman sa krimen.
Ilang oras pagkatapos maibigay ni Escorial ang pangalan ni Cristito ay namatay ito sa NBP.
Ayon sa autopsy na isinagawa ng NBI, nagkaroon ng hemorrhage sa puso si Cristito.
Nagsagawa naman ng isa pang autopsy si forensic pathologist Dr. Raquel Fortun at nadiskubre niyang may "history of asphyxia by plastic bag suffocation" ang mga labi ni Cristito. Mayroon din daw “pulmonary congestion, edema, and hemorrhages" ang mga labi ni Cristito.
Namatay sa pamamaril si Lapid noong Oktubre 3 habang pauwi siya sa Las Piñas City. Host ng isang online broadcast at kolumnista rin sa isang tabloid si Lapid, na ang totoong pangalan ay Percival Mabasa.
Noong Oktubre 18, iprinesenta sa media si Escorial matapos siyang sumuko.
Itinuro niya ang ilan sa sinasabi niyang sangkot sa pagpatay kay Lapid. Bukod kay Cristito ay may isa pa raw middleman na kinilalang si Christopher Bacoto, na nakapiit din sa isang facility ng Bureau of Jail Management and Penology.
Magsasampa ng reklamo ang NBI at Philippine National Police nitong Lunes laban sa mga taong posibleng sangkot sa krimen, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. —KG, GMA Integrated News
