Nasagip ng mga awtoridad ang isang sugatang dolphin sa Paoay, Ilocos Norte, ayon sa ulat ni Jeric Pasilyaw sa One North Central Luzon nitong Martes.

Nakita ng mga pulis na nagbabantay sa Paoay sand dunes ang naturang dolphin.

Una raw nilang inakala na pawikan ito subalit nang lapitan nila, bumungad ang isang dolphin, ayon pa sa ulat.

May nakitang sugat sa katawan ng dolphin kung kaya’t agad itong itinawag sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon kay Provincial Fishery and Regulatory (PFR) coordinator Arther Valente, ang natagpuang dolphin ay tinatawag na striped dolphin.

Dagdag pa ni Valente, hindi naman malala ang sugat ng dolphin kung kaya’t wala dapat ikabahala.

“Ang assessment natin dito ay isang striped dolphin. Tiningnan natin mabuti ‘yung mga sugat niya, hindi naman ikakamatay kasi... kagat lang ng pating. ‘Yung sugat niya… at saka mga extremities niya hindi ikamamatay ‘yun dahil sa mga fluke lang naman ‘yun,” dagdag niya.

Agad naman pinakawalan sa dagat ang dolphin sa tulong ng mga pulis. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News