Isang estudyanteng babae ang nasawi matapos masalpok ng isang SUV sa Lucena City, Quezon habang nag-aabang sa gilid ng kalsada. Ang drayber ng SUV, nakatulog daw habang nagmamaneho at sinusuri sa ospital kung inatake sa puso.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog” ngayong Lunes, kinilala ang biktima na si Kristine Advincula, 19-anyos, ng Barangay Isabang.

Patay nang dalhin sa ospital ang biktima dahil sa lakas ng pagkakabangga sa poste nitong nitong Linggo ng hapon. Makikita rin ang matinding pinsala ng unahan ng SUV.

“Naghihintay siya na ma-clear ‘yung daan at patawid lamang nu’ng kapilya nila. Unfortunately, dumating itong [sasakyan] nagkaroon na nga ng mishandling itong driver na nagresulta naman ng pagkakabangga dito sa biktima,” saad ni Lucena City Police Station Police Executive Master Sergeant Aldin Rañola.

Ayon sa pulisya, miyembro ng pamilya ng driver ang sakay ng SUV, at binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway papuntang Lucena City proper nang mangyari ang insidente.

Nakaidlip umano ang driver at napansin na lamang na gumigilid na sa kalye ang sasakyan habang tumatakbo.

“He admitted na medyo nakatulog siya o naidlip ‘yung mata niya whatsoever. ‘Yun ang pagkaka-statement niya, and all of a sudden nandoon na may na-hit na siyang tao,” ani Rañola.

Posible rin daw na sa halip na preno, accelerator ang natapakan ng drayber dahilan ng pag-arangkada pa ng sasakyan.

Naka-hospital arrest ngayon ang drayber ng SUV na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting into homicide.

“As per latest info du’n sa doktor sa ospital ay possible may heart attack ‘yung tao, pero still kailangan pa ring i-assess ng wala pa ring formal opinion ‘yung mga doktor kung anong puwedeng gawin doon,” sambit ni Rañola.

Patuloy naman na sinisikap na makuhanan ng pahayag ang driver ng SUV at pamilya ng biktima," ayon sa ulat. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News