Kinatatakutan dahil sa kanilang angking bangis, panalo rin sa handaan at mas masustansya pa kaysa baboy, baka o manok ang mga buwaya, na ginagawa na ring litson sa Davao City, Davao del Sur.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Athena Imperial, sinabing anim na taon nang nagluluto ng buwayang lechon ang Davao Crocodile Park and Zoo.

Kung dati na inihahain lamang para sa mga espesyal na okasyon ang crocodile lechon, inihahain na rin ito ngayon ng zoo sa mga visitor.

ADVERTISEMENT

Paliwanag ni Alex Alcaraz, Marketing Manager ng Davao Crocodile Park and Zoo, naglilitson sila ng farmed saltwater crocodile bilang pamamaraan ng population control.

May mga sinusunod silang patakaran ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) pagdating sa paglilitson ng mga buwaya, at may mga kaukulan din silang permit.

Bukod dito, gumagawa rin sila ng leather goods sa mga inaalagaan nilang buwaya.

Paliwanag ng registered nutritionist-dietician na si Macy Lopez, higit na masustansya ang karne ng buwaya kaysa manok, baboy at baka. Mataas ang karne ng buwaya sa protina, iron at Zinc.

Gayunman, kailangang maghinay sa pagkain ng crocodile meat dahil posibleng tumaas ang cholesterol at uric acid ng isang tao.

Maaari rin itong magdulot ng food poisoning sa mga bata, lalo kung hindi maayos ang pagkakaluto, o hindi ito natunaw sa kanilang tiyan, ayon kay Lopez.

Mabibili ang lechong buwaya sa halagang P1,500 kada kilo, at nagkakahalaga ng P60,000 hanggang P75,000 ang pagpapaluto ng isang buong Lechong Buwaya. —LBG, GMA Integrated News