Pumanaw nitong Linggo ang isang pulis sa Cebu na aksidente umanong nabaril ang sarili.

Kinilala ang nasawi na si Police Patrolman Efren delos Reyes Jr., 34-anyos, ayon sa ulat ng GMA Regional TV Live host na si Nikko Sereno sa Unang Balita nitong Martes.

Ayon sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, inihahanda umano ni delos Reyes ang kanyang service firearm bago pumasok sa trabaho nitong Linggo nang makarinig ng putok ng baril ang kanyang mga kasama sa bahay sa Carcar City.

Tinamaan daw sa tiyan si delos Reyes.

Naisugod pa sa ospital sa Cebu City ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay nitong Linggo ng hapon.

Mahigit dalawang taon nang nakadestino sa Talisay City Police Station si delos Reyes bilang miyembro ng intelligence unit.

Nais naman ng Carcar City Police na i-autopsy at paraffin test ang bangkay ng biktima habang hinihintay pa ang desisyon ng pamilya.

Naka-half mast na ang watawat sa Talisay City Police Station bilang pagluluksa.

"Ang lungkot-lungkot namin dito sa opisina. Mayroon na tayong na-assign na directly makikipag-ugnayan sa kanyang family, kung ano ang kinakailangang assistance na puwede naming ma-provide," ani Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, hepe ng Talisay City Police Station. —KG, GMA Integrated News