Nasawi ang isang negosyanteng sakay ng motorsiklo  matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa San Vicente, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si  Agustin Pajarillo, 54-anyos, residente ng Barangay Mira, Bantay, Ilocos Sur.

Ayon sa pulisya, galing sa sabungan at pauwi na ang biktima nang pagbabarilin ng mga nakatakas na salarin na sakay din ng motorsiklo.

Nagtamo umano ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan at kamay ang biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malutas ang krimen.--FRJ, GMA Integrated News