Nasawi ang isang ginang at kaniyang anak na babaeng apat na taong gulang nang ma-trap sila sa nasusunog nilang bahay sa Bacolod City. Sinikap umano ng ginang na mailabas ng bahay ang kaniyang anak pero nabigo ito dahil sa kaniyang kondisyon matapos na ma-stroke.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang mga biktima na si Mengel Itchon, 35-anyos, at anak niyang si Janella Grace, ng Barangay Taculing.

Napag-alaman na dating guro si Mengel pero natigil sa pagtuturo mula nang ma-stroke.

Ayon sa ilang saksi, tinangka umano ng ginang na ilabas ang anak pero nabigo dahil na rin sa kaniyang kondisyon.

Umabot sa pitong bahay ang natupok at iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. -- FRJ, GMA Integrated News