Nais ng isang pamilya sa Cebu City na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng lima nilang alagang aso na pinaniniwalaan nilang nilason.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Huwebes, sinabing hindi na muling masisilayan ng pamilya Go ng Barangay Guadalupe sa Cebu City ang kalambingan at kakulitan ng kanilang mga aso na sina Kobe, Batman, Bruce, Kikay, at Daya.

Sa Facebook post ni Melissa Faith Yebes Go, sinabi nito na nakita na lang ng pamilya na patay na ang mga aso sa labas ng kanilang garahe. Sa hindi kalayuan, may nakitang kanin na may halong kulay asul na tila lason umano sa daga.

Labis ang sama ng loob ng pamilya dahil nagsisilbing kasama ng kanilang mga magulang na senior citizen ang mga aso sa kanilang bahay.

"The images alone are heartbreaking. But even more so is what this loss means to our family," pahayag ni Melissa.

Umaasa si Melissa na may makatutulong sa kanila para mabigyan ng hustiya ang kanilang mga alaga at maparusahan ang nasa likod nito para hindi na gawin sa iba pa ang nangyari sa kanila.

"They were pets, but in ways that their murderer/s could never understand, Kobe, Daya, Bruce, Batman, and Kikay were family," ani Melissa.

"If this post reaches the people who decided that our dogs’ lives were of no value, I hope it makes them reflect on the true cost of their actions," dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News