Lumitaw na pinatay sa sakal at ginahasa ang 28-anyos na babae na nakita ang bangkay na tinakpan ng mga dahon ng saging sa Davao City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, sinabing bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Davao City Police para tutukan ang imbestigasyon at paglutas sa krimen.

Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang biktima nang sumakay sa isang tricycle dakong 10:39 pm noong Martes. Nakapag-text pa umano ang biktima sa kaniyang mga magulang na pauwi na.

Pero hindi nakarating sa bahay ang biktima kaya nag-report sa mga awtoridad ang pamilya ng biktima na isang architect.

Dakong 8:00 am nitong Miyerkules, nakita ang bangkay ng biktima na natatakpan ng mga dahon ng saging sa Barangay Dacudao.

Ayon kay Police Major Catherine Dela Rey, spokesperson ng DCPO, lumitaw sa pagsusuri sa mga labi ng biktima, na sakal ang dahilan ng pagkamatay nito at kumpirmadong hinalay din.

Wala pang person of interest ang mga awtoridad sa krimen, at patuloy pa ang imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News