Patay ang isang ginang matapos siyang barilin ng tatlong salarin sa loob ng kaniyang bahay sa Talisay City, Cebu. Ang tunay na puntirya umano ng mga salarin, ang anak ng biktima.

Sa ulat ng GTV News "State of the Nation" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Emerina Entis Barias, 46-anyos.

Nasaksihan pa umano ng isa pang anak ng biktima na 10-taong-gulang ang nangyaring krimen.

Ayon kay Talisay Police Station Chief Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, bago ang pamamaril ay hinanap ng mga suspek ang anak ng biktima na hindi nila nakita sa bahay.

Isa sa mga suspek na 17-anyos ang naaresto. Bagaman inamin niya na kasama siya ng mga suspek na kaniyang pinsan at tiyuhin, pero itinanggi niya na sangkot siya sa pamamaril.

Sumama lamang umano siya pero hindi niya raw alam ang plano ng mga ito na may babarilin.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. Personal na away at droga ang ilan sa motibo sa krimen na tinitingnan ng mga awtoridad. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News