Itinaas na sa P300,000 ang alok na pabuya para madakip ang suspek sa pagpatay sa isang 17-anyos na babae na nakita ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Naga, Camarines Sur.

Sa ulat ni Cris Novelo ng Balitang Bicolandia sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing anim na araw na hinanap ang biktima na si Roselle Bandojo, residente ng Barangay Penafrancia.

Noong Biyernes ng hapon nang matagpuan ang naagnas na bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote malapit sa abandonadong bahay sa Barangay Liboton.

Dahil sa suot na damit ng bangkay, positibong kinilala ng mga kaanak na ito ang nawawalang dalagita.

Noong nakaraang Sabado ng gabi nang huling makitang buhay ang biktima sa kuha ng CCTV camera habang tumatawid sa kalsada matapos bumili ng pagkain pero hindi na nakauwi.

Isinailalim sa awtopsiya ang mga labi nito para malaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay at kung ginahasa ang biktima.

"Ikinonek kagad natin yung nawawalang bata nung nakaraan kaya pumunta din yung mga kamag-anak," ayon kay P/SMS Tobias Bongon, spokesperson, Naga City Police Office.

Hinihinala ng mga awtoridad na itinapon lang sa bakanteng lote ang katawan ng biktima na nakabalot umano nang matagpuan.

"Hindi basta-basta itatapon dun sa lugar at nakabalot pa. Ibig sabihin may gumawa ano, ang ating paniniwala itinapon dun sa lugar yung bangkay, ibig sabihin ginawa yung krimen somewhere else," pahayag ni Bongon.

Umabot na P300,000 ang pabuya na inilaan para sa makapagtuturo upang maaresto ang suspek sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News