Isang senior citizen sa Dipaculao, Aurora ang inireklamo ng panghahalay sa isang pitong-taong-gulang na babae.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabi ng ina ng biktima na ibinili umano ng suspek ng tinapay ang kaniyang anak at dinala sa bahay at doon pinagsamantalan.
"Nung nakabili na po sila pumunta po sila doon sa bahay ng lalaki," ayon sa ina ng biktima.
Inihayag naman ng pulisya, tinakot pa ng suspek ang biktima at binigyan ng P30.00 para hindi magsumbong.
"Ang sabi huwag kang magsusumbong kasi makakakita ka ng aswang," ayon kay Police Major Michelle Paulino, hepe ng Dipaculao police station.
Sumasailalim na sa counselling ang biktima, habang wala pang pahayag ang suspek. —FRJ, GMA Integrated News
