Basag ang windshield ng isang pampasaherong bus dahil sa lakas ng pagbangga ng isang motorsiklo na may tatlong sakay sa Atimonan, Quezon. Patay ang rider na tauhan ng punerarya at isang angkas nito na menor de edad.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang nasawing rider na si Rafael Sta. Rosa.

Nasawi rin ang isa niyang angkas na menor de edad, habang sugatan ang isa pa nilang kasama.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa Maharlika highway na sakop ng Barangay Tagbakin.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at walang suot na helmet ang mga biktima.

"At the same time mga nakainom na po sila. Napansin na po sila ng tropa, napagsabihan na po sila bago pa sila mag-inuman nasabihan na sila na huwag kabilisan ang pagpapatakbo," ayon kay Police Major Elena Lumaban, hepe ng Atimonan Police Station.

Nag-o-overtake din umano ang motorsiklo sa mga sinusundang sasakyan hanggang sa makasalubong nila ang bus na papuntang Bicol.

Ayon kay Lumaban, nagkausap na ang kinatawan ng bus at ang pamilya ng dalawang namatay na handang makipagkasundo.

Sinisikap pang mahingan ng panig ang mga pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat. --FRJ/KG, GMA Integrated News