Pinagbabaril at napatay habang sakay ng motorsiklo ang magkasintahan sa Hilongos, Leyte.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakarinig ng mga putok ng baril ang isang kagawad ng barangay.

Pinuntahan ng tanod ang pinagmulan ng mga putok at doon na niya nakita ang duguang katawan ng magkasintahan.

Iba't ibang klase umano ng bala ng baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Napag-alaman ng pulisya na dating nakulong ang mga biktima dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News