Isang bangkay ng 17-anyos na babae ang natagpuan sa masukal na bahagi ng Barangay San Isidro sa Diffun, Quirino.

Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News Saksi nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Lyan Ancheta.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, may tali sa leeg, kamay at paa ang biktima.

Lumabas din sa resulta ng awtopsiya na pagsakal ang ikinamatay ng dalagita.

Hinihintay naman ang resulta ng pagsusuri kung ginahasa siya.

Nanawagan ang pamilya ng biktima sa salarin na sumuko na.

Sa hiwalay na ulat ng GTV "State of the Nation," sinabi ng mga magulang ng biktima na dati nang umaalis ang kanilang anak at umuuwi rin naman pagkaraan ng ilang araw.

Kaya naman hindi nila kaagad naisumbong sa awtoridad nang hindi rin nakauwi sa bahay ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA Integrated News