Patay ang isang 34-anyos na lalaki na kandidatong barangay chairman sa Montevista, Davao de Oro matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Alvin Garcia, kandidatong barangay chairman sa Camantangan sa bayan ng Montevista.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Garcia at kasama niyang kandidatong kagawad mula sa pangangampanya nang mangyari ang krimen.

“Base didto sa kauban ni Alvin Garcia nga running pud for Barangay Kagawad, mibalik pa bukid ang katong suspek,” ayon kay Montevista Municipal Police Chief, Major Gerald Borja.

Ito umano ang unang pagkakataon na tumakbo sa elective post ang biktima. Aalamin umano sa imbestigasyon kung pulitika ang motibo sa krimen.

“We are requesting na pud sa atoang Police Provincial Office for the conduct of atong SIDG (Special Investigation Task Group) nato and katong election-related incident na committee na validation,” dagdag ni Borja. --FRJ, GMA Integrated News