Patay ang isang barangay chairman sa Zamboanga City matapos siyang pagbabarilin habang papunta sa barangay hall para sa sana sa unang araw niya sa serbisyo matapos na muling mahalal.

Sa ulat ni Efren Mama sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Sebillo Molina, 55-anyos, chariman ng Barangay Cawit.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kaniyang motorsiklo si Molina at papunta sa barangay hall dakong 7 am para sa unang araw niya sa tungkulin matapos na mahalal nang pagbabarilin siya ng riding in tandem sa barangay road sa Zone 4.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kaagad binawian ng buhay.

Nakatakas naman ang mga salarin.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy at mahuli ang mga salarin. --FRJ, GMA Integrated News