Patay ang isang 36-anyos na babae sa Cagayan de Oro City matapos siyang salpukin ng truck habang nakatayo sa labas ng kaniyang bahay na malapit sa kalsada.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Janice Obredo, residente ng Barangay Lumbia.

Bukod sa nasawi ang biktima, nawasak din ang kaniyang bahay.

Naaresto naman ang driver ng truck na si John Mark Calit, na sinabing may iniwasan umano siyang motorsiklo kaya nangyari ang trahediya.

Batay sa iniwang marka ng gulong sa kalsada, sinabu ni Cagayan de Oro City Police Office-Traffic Unit Investigator, Chief Master Sergeant Norberto Lilbres, na mabilis ang takbo ng truck.

Ayon sa awtoridad, nagkausap na umano ang driver at pamilya ng biktima na hindi na magsasampa ng reklamo.--FRJ, GMA Integrated News