Nasawi ang isang lalaking lasing umano at naghahamon ng away matapos siyang kuyugin ng ilang kalalakihan sa San Carlos, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV na kasama ng lalaking biktima na naka-sling bag ang ilan pang kalalakihan sa labas ng isang restobar.
Tila nag-uusap pa ang mga lalaki hanggang ilang saglit lang may sumapak na sa biktima kaya siya natumba.
Kahit bumagsak na ang biktima, patuloy pa rin sa pagsuntok ang mga lalaki.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
Base sa pulisya, mag-isang umiinom ang biktima sa restobar.
Matapos malasing, nagsisigaw at naghamon na umano ng away ang lalaki kaya inalalayan siya palabas, ngunit doon na nangyari ang insidente.
Arestado ang dalawang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
