Timbog ang isang 18-anyos na lalaki na nasangkot sa rambol at inirereklamo rin ng pananakot at pambu-bully sa ilang mag-aaral sa Lemery, Batangas.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon na nag-umpisa ang komosyon sa labas ng isang eskuwelahan na humantong sa rambol.

Maraming pagkakataon na ring isinumbong ang lalaki at mga kasama niyang menor de edad dahil sa pambu-bully umano.

Nasa kustodiya na sila ng municipal social and development office.

Hindi naman na nagpasugod sa pagamutan ang mga nakaaway nilang estudyante at nakipag-usap na rin sila sa pulisya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News