Isang pugot na bangkay ng lalaki na walang saplot at posible ring pinahirapan ang natagpuan sa gilid ng diversion road sa Carmona, Cavite. Ang mga awtoridad, inaalam kung isang dayuhan ang bangkay.

Sa ulat ni Saleema Refran sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nakita ang katawan na nakabalot ng kumot sa Barangay Lantic noong nakaraang Sabado ng hapon.

Nakita rin ang mga galos at pasa sa buong katawan ng lalaki, na nagsisilbing mga bakas na pinahirapan ang biktima.

Nabalatan din ang ilang parte ng kaniyang mga kamay at paa dahil sa higpit ng kaniyang pagkakagapos.

Nakita sa lalaki ang isang dragon tattoo, na nagsisilbing tanging pagkakakilanlan sa kaniya.

Ayon sa Carmona Police, tila mga propesyunal ang gumawa ng pagpatay sa lalaki at ikalawang crime scene na lamang ang lugar dahil wala nang nakitang masyadong dugo rito.

Hawak na ng Carmona Police ang mga CCTV sa lugar upang matukoy ang mga sasakyang dumaan na maaaring nagtapon sa biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Presidential Anti-Organized Crime Commission dahil tinitingnan din ang posibilidad na dayuhan ang biktima, base na rin sa kaniyang tattoo at balat.

Sinilip na ng PAOC ang pinangyarihan ng krimen at ang katawan ng biktima, na nailibing na.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PAOC sa Chinese Embassy at iba pang embahada sa bansa upang tumulong sa pagkilala sa mga nakitang mga katawan. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News