Hindi bababa sa siyam na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng isang kapitan ng barangay sa Magsingal, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lawrence Angco, 65-anyos, chairman ng Barangay Sto. Domingo.

Ayon sa pulisya na harapan ng sabungan ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.

"Majority o anim dito sa harap [na tama ng baril], tapos tatlo dito sa side, including sa binti tapos isa sa likod," ayon kay Police Captain Rodel Ragasa, hepe ng Magsingal Police Station.

"Itong biktima natin hinihintay niya yung suweldo niya bilang sentensyador doon sa sabungan. Tapos nung pauwi na siya doon na siya inabangan nung gunman natin," dagdag pa ni Ragasa.

Wala umanong alam ang pamilya ng biktima na kaaway ni Angco o banta sa buhay nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen, at sino ang mga nasa likod ng pagpatay sa biktima.--FRJ, GMA Integrated News