Tatlo ang patay, at dalawa pa ang sugatan nang bumangga ang isang van sa isang truck na nakatigil sa gilid ng kalsada sa Casiguran, Sorsogon.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang trahediya sa Maharlika Highway sa Barangay Trece Martires nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa Casiguran Municipal Police Station, galing sa Quezon City ang van na patungo sana sa Matnog sa Sorsogon.

Iniwasan umano ng driver ng van ang nasiraang truck na nakaparada sa gilid ng daan.

Pero bumangga pa rin ang kanang bahagi ng van sa truck na dahilan para matuklap ang gilid nito. Sa lakas ng pagkakabangga, ilan sa mga sakay nito ang tumilapon palabas ng sasakyan.

Nakaligtas ang driver ng van at siyam na iba pa niyang sakay.

Nasa kostudiya ng pulisya ang mga driver ng van at truck habang hinihintay ang pasya ng mga biktima kung magsasampa ng kaso.-- FRJ, GMA Integrated News