Isang batang turista at isang batang residente ang nagkasama noong 2010 sa mala-paraisong isla ng Boracay. At pagkalipas ng 14 na taon, muli silang nagtagpo.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkoles, tandang-tanda pa ni Luz Kyle kung papaano siya tinuturuan lumangoy at inilibre sa kayak ng nakilala niyang bata sa Boracay na si Marvin.

Kaya nang bumalik si Kyle sa Boracay pagkaraan ng 14 na taon, nagpatulong siya sa netizens upang muling makita at maka-bonding muli si Marvin.

Hindi naman nabigo si Kyle na isa nang negosyante ngayon, dahil nahanap niya si Marvin na may pamilya na ngayon at suma-sideline sa pagka-kayak sa Boracay.

"Nag-usap kami, nagkamustahan. Tinanong ko kung naaalala niya pa [noong bata kami], thank you ka'ko dahil sa ganung ano naalala ko yung ginawa niya sa akin," sabi ni Kyle.

Sa muli nilang pagkikita, ang naudlot na pagkakaibigan nila noong bata pa, maaari na nilang dugtungan.-- FRJ, GMA Integrated News