Isang hiker na nakaranas ng hypothermia habang umaakyat sa Mount Pulag sa Kabayan, Benguet ang nasagip.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nasagip ang hiker sa tulong ng mga awtoridad at nadala sa kaniyang homestay sa Babalak, Bashoy upang makapagpahinga.

Nasa maayos nang kalagayan ang hiker, na inabisuhang magpatingin sa doktor.

Ang hypothermia ay isang kondisyon kung saan lubhang bumababa ang temperatura ng katawan dulot ng matinding lamig ng panahon.

Nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources sa mga hiker na magpakondisyon at mag-ehersisyo bago umakyat sa Pulag. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News